Back to All Events

Buwan ng Wika 2026 | Tampok ang Pagkaing Pinoy!

  • Southwestern College of Maritime, Business & Technology Inc. 129 Quezon Dr Calapan, MIMAROPA Philippines (map)

Ibinida ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang programa sa kolehiyo ng SCMBT ang kanilang husay at pagkamalikhain sa pamamagitan ng pagtatanghal ng mga natatanging pagkaing kumakatawan sa iba’t ibang lalawigan sa Pilipinas bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2026.

Mula sa malalasang ulam hanggang sa mga kakaibang panghimagas, tampok sa bawat putahe ang yaman at pagkakaiba-iba ng kulturang Pilipino. Higit pa sa lasa, bawat pagkain ay nagsisilbing kuwento ng pinagmulan, tradisyon, at kasaysayan ng mga pamayanang kanilang kinakatawan.

Binigyang-diin din ng mga mag-aaral ang kahalagahan ng pagiging malikhain at makakalikasan sa kanilang paghahanda ng mga food booth. Naging kapansin-pansin din ang kontekstuwalisasyon ng mga pangalan ng pagkain, kung saan binigyan ng mga mag-aaral ng natatangi at malikhaing pangalan ang kanilang mga putahe batay sa lugar, kultura, at katangiang pinagmulan ng mga ito. Sa pamamagitan nito, higit na naiuugnay ang bawat pagkain sa kuwento at identidad ng pamayanang kanilang kinakatawan.

Sa bawat booth, hindi lamang pagkain ang inihain kundi isang munting paglalakbay sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Isang patunay na ang pagkaing Pinoy ay hindi lamang puno ng lasa, kundi puno rin ng kultura, kasaysayan, at kuwentong Pilipino.